BAGUIO CITY – Naitala ng rehion Cordillera ang kauna-unahang casualty nito dahil sa pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Kasunod ito ng pagkasawi ng isang magsasaka sa Talete, Busoc, Poblacion, Atok, Benguet, kahapon ng madaling araw.
Nakilala ang biktimang si Felix ‘Tinoy’ Boguite, 60-anyos.
Ayon kay Meriam Lingaling, pamangking ng biktima, nagluluto ang kanilang tiyuhin ng mabuwal ang kumpol ng mga kawayan sa itaas ng bahay nito.
Dumagan ang nabuwal na kumpol ng mga kawayan sa bubong ng bahay ni Boguite na nagresulta para maipit ito, kung saan gawa sa light materials ang bahay na dahilan kung bakit madaling nasira ang bubong.
Sinabi naman ng mga rescuers na nagtamo ang biktima ng malubhang sugat sa ulo at ibang bahagi ng kanyang katawan na nagresulta sa kanyang agarang pagkasawi.
Samantala, aabot naman sa 25 na mga road sections sa buong Cordillera ang closed to traffic dahil pa rin sa pagguho ng lupa, mudflow at paglubong ng mga ito.
One-lane passable din ang maraming mga kalsada sa rehion matapos malinisan ang mga ito mula sa mga gumuhong lupa at iba pang debris.
Naitala din ang 41 na power interruptions sa buong Cordillera.