Magsasaka na dating may kasong pagnanakaw ng kambing pinagbabaril patay sa Tacurong City
CENTRAL MINDANAO- Binawian ng buhay ang isang magsasaka sa pamamaril sa siyudad ng Tacurong.
Ang biktima ay kinilalang si Juanito Callejo Libao, nasa wastong gulang, may asawa at nakatira sa Purok Pagasa Barangay Kalandagan Tacurong city.
Ayon sa ulat ng Tacurong City PNP na habang papunta ang biktima sa kanyang sakahan ay inabangan ito ng hindi kilalang suspek at pinagbabaril gamit ang kalibre.45 na pistola.
Mabilis namang tumakas ang suspek patungo sa liblib na lugar sa lungsod ng Tacurong.
Patay on the spot ang biktima nang magtamo ng apat na tama ng bala sa kanyang katawan.
Bago pinatay ang magsasaka ay may dati na itong kaso sa pagnanakaw ng kambing.
Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Tacurong City PNP sa pamamaril patay sa biktima.