VIGAN CITY – Wala umanong foul play sa pagkamatay ng isang 41-anyos na magsasaka na nakita na lamang na palutang-lutang ang bangkay sa dagat na sakop ng Brgy. Lingsat, Sta. Maria, Ilocos Sur.
Ito ang naging pagtitiyak ni P/Lt. Gilbert Tolosa, hepe ng Sta. Maria municipal police station sa panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Kinumpirma rin ni Tolosa na base sa imbestigasyon nila ay nakainom umano ng alak ang biktimang si George Peralta na residente ng Brgy. Poblacion Norte, Burgos, Ilocos Sur.
Aniya, alas- 6:30 ng gabi noong Hunyo 3 nang pumalaot umano ang biktima dala-dala ang pana at flashlight nito para mangisda.
Dakong alas- 11:50 naman ng gabi nang mayroon umanong makitang flashlight na palutang-lutang sa dagat ang ilang magsasaka sa Barangay Lingsat at nang lapitan umano nila ito, nakita nila na ang flashlight ay nakatali sa kamay ng biktima na wala nang buhay.
Kumbinsido naman ang pamilya ng biktima na nalunod ito kaya hindi na nila ipapa-autopsy ang bangkay nito.