TUGUEGARAO CITY – Balik kulungan ang isang lalaki dahil sa pagpatay sa kanyang tiyuhin gamit ang crowbar o bareta sa bayan ng Sto Niño, Cagayan.
Kinilala ang suspek na nasampahan na ng kasong murder na si Ronald Cabaruan, 45-anyos, balo at residente ng Brgy Masical sa naturang bayan kung saan dalawang beses na rin itong nakulong.
Ayon kay PLT Melodie Ballesteros, OIC Chief-of Police ng PNPO-Sto Niño na unang dinala sa pulisya ang suspek ng isang retiradong sundalo matapos ang pagpatay nito sa kanyang tiyuhin na si Herminio Tarampi, 73-anyos, magsasaka at residente sa naturang lugar.
Sa imbestigasyon, sinabi ni Ballesteros na dumating ang suspek sa bahay ng kanyang ina na nasa impluwensiya ng nakalalasing na inumin at nagalit nang walang madatnang pagkain pasado alas 9:00 ng gabi noong Martes, Sept 13.
Dahil dito ay kinuha ng suspek ang bareta na nasa kusina na tinatayang nasa dalawang metro ang haba at pinagtangkaang patayin ang ina ngunit hindi ito nakahabol dahil sa kanyang kapansanan, kung saan artificial ang isang paa nito.
Agad namang sumaklolo ang biktima na kapitbahay lamang ng mag-ina matapos marinig na humihingi ng saklolo ang kanyang hipag ngunit ito ang pinagbalingan ng galit ng suspek.
Unang tinamaan ng bareta sa batok ang biktima at nang napahiga ay paulit-ulit na itinusok ng suspek ang matulis na bahagi ng bareta sa ulo at mukha ng biktima kung saan tumagos pa ito sa kanyang isang mata na nagresulta sa agaran nitong pagkamatay.
Sa interogasyon ng pulisya sa suspek, akala umano nito na ang kanyang ina ang napatay niya na bukod sa galit nito sa walang dinatnang pagkain ay dati nang may galit ito sa kanyang ina na itinuturing na sanhi ng kanyang pagkakakulong noong 2018.
Aniya, nakulong ang suspek matapos ireklamo ng kanyang ina nang illegal detention ngunit nakapagpiyansa subalit muling nakulong matapos nagpositibo sa search warrant nang isumbong ng kanyang ina na gumagamit at nagbebenta ng illegal na droga at kalaunan ay nakalaya sa pamamagitan ng probation.
Ang mga ito aniya ang laging isinisingil ng suspek sa kanyang ina tuwing nalalasing.