-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patay ang isang magsasaka matapos nagbigti sa inuuwian nitong kubo sa Sitio Makabales, Barangay Agloway, Panit-an, Capiz.

Kinilala ang biktima na si Reynaldo Beldia, 50, matandang binata at isang magsasaka na residente rin ng naturang lugar.

Ayon kay Staff Sergeant Manuel Kenneth Anisco, ng PNP Capiz, pumunta umano ang pinsan ng biktima sa inuuwian nitong kubo at laking gulat nang madatnang nakalambitin si Beldia sa puno ng kahoy gamit ang kable ng antenna.

Nabatid na nakatira ang biktima sa bahay ng kaniyang pinsan at sa naturang kubo umano ito nagpapahinga sa tuwing siya ay nagsasaka.

Pinaniniwalaang matagal nang may iniindang sakit ang biktima.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga otoridad sa naturang insidente.