CAUAYAN CITY – Bahagyang nasunog ang katawan ng magsasaka nang matagpuan ang bangkay sa kanyang maisan sa barangay District 2, Gamu, Isabela.
Sa nakuhang na impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Gamu Police Station ang biktima ay si Forrunato Agub, 55 anyos , magsasaka, retired army at residente ng District 2
Sa ulat ng Gamu Police Station, ipinarating sa kanilang himpilan ang pagkakatagpo ng bangkay ng biktima sa pag-aari nitong maisan na kanilang agad tinugunan.
Lumalabas sa pagsisiyasat ng mga otoridad na nagtungo ang biktima sa kaniyang bukid na matatagpuan malapit sa Ilog na hindi rin kalayuan sa kanilang tahanan.
Ayon sa huling nakakita sa biktima, sinisikap umano nitong apulahin ang mga nasusunog na natuyong puno at dahon ng mais sa taniman nito kahapon.
May hinala ang pulisya na hindi kinaya ng Senior Citizen Ang usok na sanhi ng mga nasusunog na puno ng mais.
Nang subukan nitong apulahin ang apoy ay maaaring mawalan ang biktima ng malay at tuluyang natumba malapit sa nasusunog na mga tuyong dahon.
Hindi na isinailalim sa autopsy ng pamilya ang bangkay ng kanilang kaanak .