-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nababahala ngayon ang mga magsasaka ng sibuyas sa Occidental Mindoro na mas lalo pa silang lulubog sa utang sa nakatakdang pagdating ng halos 4,000 metric tons na paunang inangkat na puti at pulang sibuyas ng Department of Agriculture.

Ayon sa magsasaka na si Marco Tadeo ng Sablayan, Occidental Mindoro, unang linggo ng Marso ay magsisimula na ang anihan ng sibuyas sa kanilang lugar kung kaya’t dadami na nito ang supply na sasapat sa kakailanganing demand.

Sa kasalukuyan ay nasa P80 pesos per kilo ang farm gate price ngunit bababa aniya ito sa P15-P20 pesos per kilo sa panahon ng anihan.

Ang importasyon aniya ang pumapatay sa kanilang kabuhayan dahil masisira lamang ang kanilang ani sa oras na lumabas sa mga pamilihan ang imported na sibuyas.

Nananawagan sila sa pamahalaan na pakinggan ang kanilang mga hinaing dahil sa hindi pa nakakabawi ang mga ito sa nakaraan nilang pagtatanim matapos na inatake ng peste ang kanilang mga pananim na halos walang kalahati ang naani sa anim na ektaryang sakahan ng sibuyas.

Dagdag pa ni Tadeo na literal na nakakaiyak ang kanilang sitwasyon dahil sa mga naging desisyon at plano ng Department of Agriculture.