-- Advertisements --

Natagpuang hawak ng kapulisan ng Pasig City si Magsasaka Partylist nominee at dating commander of the Alex Boncayao Brigade na si Lejun dela Cruz.

Ayon sa kaniyang abogado na si Atty. General Du, na nitong umaga ng Linggo ng magtungo sa Cainta, Rizal si Dela Cruz.

Pagpasok niya sa kaniyang sasakyang dakong alas-11 ng umaga ay nilapitan ito ng lalaki na naka-sibilyan.

Lumapit pa ang isang lalaki na nakamotorsiklo at doon pinaputukan siya ng dalawang beses kaya mabilis nitong pinatakbo ang sasakyan niya.

Pagdating sa Manggahan, Pasig ay binangga niya ang motorsiklo at isa pang kotse na humahabol sa kaniya hanggang nagpakilala ang mga ito na miyembro ng kapulisan.

Itinaas na Dela Cruz ang kaniyang kamay at tska ito pinusasan.

Matapos ang tatlong oras ay nakitaan ng mga galos sa mukha, tuhod at siko si Dela Cruz.

Sinabi naman ng kaniyang executive secretary na si Maya Capalad na nakita nilang nakapiit si Dela Cruz sa Manggahan police station ng alas-4:30 ng hapon.

Nag-alalala sila dahil sa inikot nila ang kapulisan ng Antipolo hanggang Pasig para makita si Dela Cruz.

Dinala ito sa Marikina police station kung saan mayroon itong warrant of arrest dahil sa kasong murder mula pa noong 1992.

Plano naman ng kampo nito maghain ng kaso laban sa mga kapulisan dahil sa ginawang pamamaril.

Paliwanag naman ni Marikina chief of police PCol. Erwin Dayag, na kaya naka-sibilyan ang mga kapulisan ay parte sila ng intelligence group.

Itinanggi rin nito na kanilang sinaktan si Dela Cruz at mayroon silang body camera na nagpapatunay sa pangyayari.

Nakatakdang ipasakamay si Dela Cruz sa Las Pinas Police station.