NAGA CITY – Patay ang isang magsasaka matapos mabundol ng motorsiklo sa San Narciso, Quezon.
Kinilala ang biktima na si Rene Grezo Nagares, 59-anyos, residente ng Brgy. Calwit sa nasabing bayan.
Sa nakalap na impormasyon ng Bombo Radyo Naga sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), napag-alaman na habang nakasakay ang biktima sa bisekleta, aksidente itong nabundol ng isang motorsiklo na minamaneho naman ng suspek na kinilalang si Jhansen Serrano Madronio, 29-anyos, residente ng Brgy. Santa Maria, Calauag sa naturang lalawigan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng mga otoridad, napag-alaman na agad namang binawian ng buhay si Nagares habang nagtamo naman ng mga sugat sa iba’t-ibang bahagi ng kaniyang katawan si Madronio.
Samantala, dinala naman ang suspek sa ospital para sa karampatang tulong medikal.
Sa ngayon, inihahanda na ang kasong isasampa laban sa naturang suspek.