CAUAYAN CITY- Namatay ang isang magsasaka matapos na makuryente habang naglalaba sa barangay Guayabal, Cauayan City.
Ang biktima ay Maximo Anguluan, 43 anyos, may-asawa at residente ng nasabing barangay.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay barangay Tanod Emma Bararan, sinabi niya na isasaksak sana ng biktima ang washing machine sa extension wire na nakasabit sa bakal nang bigla siyang makuryente.
Ayon pa kay Barangay Tanod Babaran dahil sa pagkakuryente ng biktima ay marahil nahila niya ang extension wire na naging dahilan para maputol ito at kasabay ng kaniyang pagbagsak sa sahig ay naalis ang putol na extension wire mula sa kinasasabitan nitong bakal at nalaglag kaniyang dibdib.
Dagdag pa niya na bagamat kasama ng biktima ang kanyang asawa ay hindi umano nagawang patayin ang main switch ng kuryente at dahil sa labis na pagkataranta ay humingi ng tulong sa mga kapitbahay.
Saka lamang napatay ang main switch ng kuryente ng mga tumugong barangay tanod .
Naisakay sa tricycle ang biktima para dalhin sa pagamutan ngunit nakasalubong ang sasakyan ng rescue 922 na nagdala na sa isang pribadong pagamutan ngunit namatay habang nilalapatan ng lunas.