CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang isang magsasaka sa pamamaril sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Nakilala ang biktima na si Ariel Tayas Mandi, 38 anyos, may asawa at residente ng Sitio Klengko Barangay Kuya South Upi Maguindanao Del Sur.
Ayon sa ulat ng pulisya, nagpaalam lang ang biktima sa kanyang asawa na pumunta sa itaas na bahagi ng kanilang lugar upang kumpunihin ang butas ng hose na kanilang pinagkukunan ng tubig inumin sa bukana ng Darugao at Rifao river sa bayan ng South Upi.
Laking gulat ng asawa ng malaman niya mula sa kanyang kapitbahay na binaril patay ng mga hindi kilalang suspek ang kanyang mister kaya agad itong himingi ng saklolo sa mga pulis.
Nagtamo ng tama ng bala sa kanyang taenga ang biktima kaya agad itong binawian ng buhay.
Hustisya ngayon ang sigaw ng pamilya ng biktima habang nagpapatuloy ang imbestigasyon ng South Upi PNP sa pamamaril patay sa magsasaka.