-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nasugatan ang isang magsasaka sa nangyaring pagsabog sa probinsya ng Sultan Kudarat.

Nakilala ang biktima na si Antonio Ancheta Sr., 61, may asawa at residente ng Purok 2, Barangay Bagumbayan, President Quirino, Sultan Kudarat.

Ayon kay Brgy Bagumbayan Brgy Chairman Dominador Cañaveral, habang naglalakad ang biktima sa kanyang sakahan para tulungan ang kanyang anak na si Antonio Ancheta Jr. nang biglang sumabog sa gilid ng kalsada ang isang improvised explosive device (IED).

Dahil sa lakas nang pagsabog ay tinamaan ang biktima sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan.

Agad tinulungan ng anak ang ama at dinala sa isang pagamutan sa Tacurong City.

Ang mag-ama ay biktima rin nang lindol at nasira ang kanilang tahanan sa pinakahuling pagyanig.

Anggulong awayan sa lupa ang natatanaw ng mga otoridad na motibo sa pagpapasabog na patuloy nilang iniimbestigahan.