-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nakakulong ang isang magsasaka matapos tagain ang pinsan matapos magkainitan habang nasa impluwensiya ng alak sa Purok 6, Barangay Lantap, Bagabag, Nueva Vizcaya.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa Bagabag Police Station ang pinaghihinalaan ay si Eddie Afalla Cortez, 55 taong gulang , may asawa, isang magsasaka habang ang biktima ay si Evaristo Juan Afalla Jr. 40 taong gulang, may asawa, isang magsasaka at kapwa residente ng nasabing lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa tagapagsiyasat ng kaso na si Police Staff Sgt. Arjay Aluyen ng Bagabag Police Station, nakatanggap sila ng tawag mula sa isang concerned citizen na nagsabing may naganap na pananaga sa gilid ng ilog.

Ayon kay Sonny Afalla, 47 taong gulang, magsasaka, pinsan ng mga pinaghihinalaan at biktima na bago mangyari ang pananaga ay napagkasunduan nilang mag-inuman bago mananghalian matapos mag-ani ng mais sa bukid.

Bahagya umanong nalasing ang kanyang dalawang pinsan at nagkaroon ng mainitang pagtatalo hanggang sa humantong sa pananaga.

Sinubukan naman umano ni Sonny na awatin ang dalawang pinsan ngunit hindi maawat dahil armado ng panabas at itak ang dalawa.

Nagtamo ng malalim na sugat sa kaliwang braso ang biktima na agad dinala sa pagamutan.

Nakuha ang itak at panabas na ginamit ng suspek at biktima habang agad namang inaresto ng mga awtoridad ang pinaghihinalaan na kusa namang sumama sa mga pulis.