Hinikayat ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang mamamayan na habang naka-lockdown ang buong bansa sana raw ay iukol muna ang panahon sa pagtatanim.
Ginawa ni Sec. William Dar ang panawagan sa gitna na rin nang pangamba sa food supply habang nakakaranas ang mundo ng health crisis.
Ayon kay Dar, bagamat sapat ang suplay ng pagkain sa bansa, mas maigi na merong pagkukunan na opsyon na suplay ng gulay ang mamamayan.
Maaari raw gawin ang pagtatanim kahit sa maliliit lamang na lugar, bakanteng pwesto o backyard gardening lalo na sa mga gulay na mabilis tumubo sa loob ng isa hanggang sa dalawang buwan.
Tulad na lamang daw ng kamote na may angkin pang bitamina, kangkong, okra, kamatis, pechay at iba pa.
Tutulong naman ang mga ahensiya ng DA, halimbawa ang Bureau of Plant Industry at iba pa sa pamamahagi ng libreng mga vegetable seeds o para sa kamote cuttings.
Ang DA ay paglalaanan ng gobyerno ng P31 million para sa “plant, plant, plant program” na makikinabang ang taongbayan.