-- Advertisements --

Inamin ng grupo ng mga magtitinapay sa bansa na napakalaking suliranin ang hinaharap ng kanilang negosyo dahil sa napakamahal na presyo ngayon ng asukal.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Lucito Chavez, ang presidente ng Asosasyon ng Panaderong Pilipino (APP), sinabi nito na pabigat ng pabigat ang suliranin nila ngayong magtitinapay dahil maraming mga materyales ang inaangkat pa sa ibang bansa.

Kabilang naman sa naiisip ng kanilang industriya upang maibsan na umaasa na lamang sa asukal ay ang paggamit ng artificial sweetener.

Ito aniya ay healthy pa dahil ginagamit din ng mga diabetic.

Liban nito, maari rin namang bawasan ang malaking porsyento ng asukal na inihahalo bilang pormula tulad sa paggawa ng pandesal.

Nanawagan ito sa mga community bakery na pwede naman daw maibaba ang content ng sugar para maibalik ang orihinal na lasa ng pandesal o mga tinapay.

Samantala, isusunod na rin daw nila ang paggamit ng alternatibong coco flour na siyang ginagamit na rin ng ilang malalaking bakers sa Metro Manila.

Isa pa sa ilulunsad ng kanilang grupo ay ang paggamit ng agricutural produce ng mga magsasaka.

Paliwanag ni Mr. Chavez, nasa 15 taon na raw niyang isinusulong ang paggamit ng mga lokal na produktong Pinoy na inihahalo sa mga pandesal tulad ng kalabasa, ube, kamote at malunggay na malaki pa ang tulong sa mga magsasaka.

Kung tutuusin daw maaring 20 percent hanggang 25 percent ang pwedeng ihalo ang mula sa mga agricultural produce na ito.

Kung sakali pa raw na malinang ito ng husto sa bansa, ang isang bilyong trigo na inaangkat mula sa ibang bansa at kung mapapalitan ito ng lokal na agricultural produce ay makakatulong ito ng malaki sa 200 milyon na mga Pinoy farmers at maging sa ekonomiya ng bansa.