-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Dalawa patay habang tatlo ang maswerteng nakaligtas matapos na malunod sa ilog pasado alas-10:30 ng umaga nitong Sabado sa Sitio Batog, Brgy. Lupit, Batan, Aklan.

Nakilala ang dalawang nasawi na sina Dialen Delos Santos, 35 at pamangkin nito na si Jose Romar Eli, 10 habang naisalba naman ng mga residente ang anak ni Delos Santos na si Rai Gabriel, 10, kapwa residente ng nasabing lugar.

Ayon kay Police Corporal Ronnie Turega ng Batan Municipal Police Station na habang naghugugas ng mga napulot na clam shell ang limang magkakamag-anak ay naligo naman ang dalawang bata na kasama nila kung saan makaraan ang ilang sandali ay napansin na ni Delos Santos na nalulunod ang kaniyang anak kaya mabilis niya itong tinulungan.

Napag-alaman na parehong hindi marunong lumangoy ang mga biktima kung kaya’t hindi na nagawa pa ng ginang at kaniyang pamangkin na makaahon matapos na mapunta sa malalim na bahagi ng ilog.

Unang nakita ang bangkay ni Jose Romar habang pasado alas-4:30 na ng hapon nakita ang katawan ni Delos Santos na nakasabit sa lambat halos isang daang metro mula sa pangpang.

Idineklara namang dead on arrival ng attending physician ng Altavas District Hospital ang magtiyahin.