-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Binawian ng buhay ang magtiyahin sa panghohold-up at pamamaril sa probinsya ng Cotabato.

Nakilala ang mga nasawi na sina Tisay Beltran at pamangkin nito na si Althea Lucero na mga residente ng Purok 5 Barangay Tawantawan M’lang Cotabato.

Ayon kay Mlang Chief of Police Lieutenant Colonel Realan Mamon na pinasok ng tatlong hindi kilalang suspek ang tindahan ng mga biktima kung saan sila nakatira.

Nang makita ni Lucero ang panunutok ng baril ng mga suspek sa kaniyang tiyahin ay nagtangka pa itong pumalag at tutulungan ang kaniyang tita kaya pinagbabaril ito gamit ang kalibre.45 na pistola.

Agad namang tumakas ang mga salarin tangay ang pera na kinulimbat nila sa tindahan.

Naisugod pa sa pagamutan ang mga biktima ngunit hindi na sila umabot ng buhay.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng M’lang PNP sa panghohold-up at pagpatay sa magtiyahin.