BACOLOD CITY – Patay ang magtiyuhin na magkaangkas sa motorsiklo makaraang mabangga at magulungan ng prime mover truck sa Bacolod-Silay Airport Access Road sa Brgy. Efigenio-Lizares, Talisay City, Negros Occidental nitong Sabado ng hapon.
Ang mga biktima ay kinilalang sina Allan Bedonia, 55; at Rodrigo Bedonia, 22, kapwa mga residente ng Hacienda San Antonio 1, Barangay Dos Hermanas, Talisay City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa ina ni Allan na si Rosalinda Bedonia, dumalo ang mga biktima sa binyag ng apo ni Allan sa Silay City at pauwi na ang mga ito nang maganap ang aksidente.
Binabaybay ng motorsiklo at truck ang north-south direction nang binangga ng prime mover ang motorsiklo.
Dahil sa lakas ng impact, kapwa tumalbog ang dalawa mula sa motorsiklo at kumalat ang kanilang katawan sa daan.
Nawasak ang helmet ng mga ito at dahil sa maraming sugat sa katawan, kapwa silang binawian ng buhay.
Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Talisay City Police Station ang driver ng prime mover truck na wala pang pagkakakilanlan.