-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pumalag si Maguindanao 2nd District Board Member King Jhazzer Mangudadatu sa pamumutol ng mga punong kahoy ng Provincial Government ng probinsya sa national highway sa bayan ng Buluan.

Sinabi BM Mangudadatu na hindi naman siya tutol kung para sa kabutihan ng lahat na putulin ang malalaking punong mahogany sa bayan ng Buluan at sana idinaan ito sa tamang proseso.

Dapat isinagawa muna ng Provincial Government ang public consultation at hindi rin umano nirespeto ang LGU – Buluan na syang nagtanim ng mga puno sa pamamagitan ng isang tree planting activities noong 1998.

Nilinaw ni BM Mangudadatu na una nang nagpadala ang LGU-Buluan ng sulat na naka-address sa Provincial Administrator ng Maguindanao bago paman ang nangyaring pagputol ng mga puno pero hindi ito pinakinggan.

Sa ngayon nagpaplano ang tanggapan nina Board Member Mangudadatu at lokal na pamahalaan ng Buluan na magsampa ng reklamo sa mga kinauukulang ahensya ng Pamahalaan.

Samantala,iginiit ni Maguindanao Provincial Administrator Mohajeran Balayman na dumaan sa tamang proseso ang ginawang pagputol ng mga puno sa national highway sa bayan ng Buluan.

May pahintulot umano ni Ministry of Environment Natural Resources and Energy Minister Abduraof Macacua ang Provincial government para putulin ang mga puno sa gilid ng highway.

Marami na umanong natanggap si Balayman na reklamo sa mga nangyaring aksidente kung saan nababagsakan ng mga sanga ng punong kahoy ang kanilang mga sasakyan.

May kautusan rin National Government sa road clearing operation o alisin ang lahat ng mga nakahambala sa gilid ng kalsada.

Nakatakdang iturn-over ang mga pinutol na mahogany tree sa Ministry of Basic Higher and Technical Education para gawing upuan at magamit ng mga paaralan.