KORONADAL CITY – Naka-heightened alert na ang Maguindanao-Philippine National Police (PNP) kasunod ng pagpapasabog ng improvised explosive device sa isang unit ng Rural Tours Bus sa Barangay Making, Parang, Maguindanao pasado alas-6:00 ng umaga, kahapon.
Sa ulat ng Maguindanao Police Provincial Office, galing ng Cotabato City ang Rural Tours bus na may body number 10738 at patungo ng Pagadian City via Parang.
Pansamantala umanong tumigil ang bus sa tapat ng karenderya sa Barangay Making para kumain ng almusal ang mga pasahero nang maganap ang pagsabog sa likurang bahagi ng bus.
Kaagad namang nakuha ng pulisya ang closed circuit television footage ng bus kung saan nakunan ang pagsabog.
Mabilis ding natukoy ng mga otoridad ang person of interest kung saan lumalabas na isa itong lalaki na nakasuot ng kulay gray na sombrero, facemask, at itim na jacket, naka-backpack, payat ang pangangatawan at nasa humigit kumulang 45-anyos, na agad bumaba ng bus bago ang pagsabog.
Sa isinagawang post blast ng PNP Explosive Ordinance Division (EOD) Team, narekober sa pinangyarihan ng pagsabog ang isang cellphone, blasting cap, mga pako at scrap metal na ginamit bilang shrapnel.
Maliban sa bombang sumabog, mayroon pang secondary bomb na natagpuan din sa loob ng bus pero agad itong na disrupt ng EOD Team para hindi na makapaminsala pa.
Sa follow up investigation ng mga pulis, “business rivalry ” ang nasisilip na posibleng motibo ng pambobomba.
Sa ngayon ay bumuo na ang PNP ng Special Investigation Task Group na tututok sa imbestigasyon.
Una nang kinilala ang apat na mga nasugatan sa insidente na sina Fesel Culag, 40-anyos; John Paul Capio, 17; Expedito Oxay, 45; at Benjamin Wahab, 32, na pawang nasa ligtas nang kalagayan.