-- Advertisements --

Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang bagong interim chief minister ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) si Maguindanao del Norte Governor Abdulraof Macacua upang palitan si Moro Islamic Liberation Front (MILF) chairman Ahod Balawag ”Al Haj Murad” Ebrahim, ayon sa Philippine Center for Investigative Journalism.

Kinumpirma naman ito ni Presidential Communications Office Undersecretary Claire Castro at sinabi, ”Confirming the appointment as Interim Chief Minister of BARMM,” sa ngayon ay ‘wala pang karagdagang detalye tungkol sa pagkakatalaga ni Governor Macacua.

Si Macacua ay ang chief of staff ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) ng MILF at babalik sa Bangsamoro Transition Authority (BTA), ang parlamento ng BARMM, kung saan siya’y nagsilbi mula noong 2019 hanggang sa italaga siya bilang OIC governor ng Maguindanao del Norte noong 2023.

Ayon sa isang source mula sa MILF, alam ng mga miyembro ng MILF ang pagkakatalaga kay Macacua ngunit hindi pa nila nakikita ang mga opisyal na dokumento ng pagkakatalaga nito.

Nabatid na ang MILF, na pinangunahan ni Ebrahim, ay isang dating grupong rebelde na nagpatakbo ng transition government ng BARMM. Sumasang-ayon ito na wakasan ang kanilang layuning mag-secede o humiwalay sa bansa bilang malayang estado kapalit ng isang kasunduan na nagresulta sa paglikha ng BARMM noong 2019.

Inaasahang magsisilbi si Macacua bilang interim chief minister hanggang sa manumpa ang mga nanalo sa unang halalan ng rehiyon pagkatapos ng bagong itinakdang petsa ng halalan para sa BARMM sa Oktubre 2025.

Ang bagong petsa ng halalan ay itinakda ng isang batas na ipinasa noong nakaraang buwan.

Ang layunin ng pagpapalit ng mga miyembro ng transition government ay nakasaad sa mga panukalang batas na isinumite nina Senate President Francis Escudero at House Speaker Martin Romualdez upang i-reset ang halalan ng BARMM.

Ito ang Republic Act No. 121231, na nagtakda sa bagong petsa ng halalan sa Oktubre 13, 2025. Ayon sa batas, magpapatuloy ang mga miyembro ng BTA sa pagsisilbi sa transition government maliban na lamang kung sila ay papalitan ng Pangulo o kung ang kanilang panunungkulan ay maiksi dahil sa pagkapanalo sa ibang posisyon.

Si Macacua ay naghain din ng kanyang certificate of candidacy upang tumakbo para sa distrito ng Maguindanao del Norte habang si Ebrahim naman ay isang nominado ng regional political party ng MILF, ang United Bangsamoro Justice Party.