CAGAYAN DE ORO CITY – Tinuligsa ng dating tagapagsalita ng Pangulong Rodrigo Duterte na si Atty. Harry Roque ang umano’y bulok na sistema ng hustisya ng bansa.
Ginawa ni Roque ang pahayag kaugnay sa paggunita sa malagim na Maguindanao massacre kung saan nasa 58 katao ang pinatay kasama na ang 32 kasapi ng media na kinabilangan ng dating chief of reporters ng Bombo Radyo Koronadal na si Bombo Ernesto “Bart” Maravilla.
Sa pagharap ni Roque sa mga kawani ng media sa Cagayan de Oro City, sinabi nito na competent si Quezon City Regional Trial Court (RTC) Branch 221 Presiding Judge Jocelyn Reyes na itinalaga ng Korte Suprema na humawak ng kaso subalit nagka-problema lamang ang pagpapabilis ng promulgasyon dahil sa “bulok” na judicial system ng bansa.
Iginiit nito na dapat maging daan ang kaso ng Maguindanao massacre upang magkaroon ng pagbabago sa judicial system ng bansa.
Inihayag ni Roque na dapat marunong magalit ang taumbayan sa usad ng kaso dahil natatagalan lamang ang pagpababa ng desisyon sapagkat maraming delaying tactics daw ang ginagawa ng legal counsels ng mga Ampatuan.
Nagsagawa rin ng candle lighting ang mga miyembro ng Cagayan de Oro Press Club, National Union of Journalists of the Philippines, Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas at PNP Press Corps sa press freedom monument sa lungsod ng Cagayan de Oro kaugnay sa ika-10 anibersaryo ng trahedya.
Madaliang hustiya rin ang panawagan ng ilan pa sa mga naulilang pamilya ng mga biktima.