CENTRAL MINDANAO – Wala ring klase ngayong araw sa lahat ng antas sa lalawigan ng Maguindanao.
Ito ang direktiba ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu sa lahat ng local government units (LGU).
Unang nagsuspinde na walang klase ang bayan ng Datu Montawal, Maguindanao.
Ayon kay Datu Montawal Mayor Datu Otho Montawal, may mga kabahayan din ang nasira dahil sa lindol sa bayan ng Datu Montawal.
Nagkabitak-bitak ang ilang lupa malapit sa Pulangi river, pati kiosk malapit sa municipal hall ay nagkaroon ng sira.
Namahagi naman ng tulong ang LGU-Datu Montawal sa mga pamilya na grabeng naapektuhan ng lindol.
Sa bayan ng Pagalungan at Datu Paglas ay may naitala ring pinsala sa lindol.
Ang bayan ng Datu Paglas, Maguindanao ay magkatabi lamang ng bayan ng Tulunan, North Cotabato na sentro ng 6.6 magnitude na lindol.
Ngayon araw ay pupulungin ni Gov Mangudadatu ang PDRRMO, mga lokal opisyal at ibang ahensya ng lokal na pamahalaan sa probinsya para alamin ang pinsala sa lindol at tulong na rin na maibibigay sa mga pamilya na naapektuhan ng kalamidad.