-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Naka-full alert status sa ngayon buong probinsiya ng Maguindanao at karatig na mga lalawigan matapos na masawi ang dalawang terrorist bombers matapos magtangkang mang-agaw ng baril at tumakas mula sa mga pulis.

Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Lt. Col. Anhouvic Atillano, tagapagsalita ng 6th ID Philippine Army, unang naaresto ang dalawa ng pinagsanib na pwersa ng PNP at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Rajah Buayan, Maguindanao noong nakaraang araw.

Nagtangka umanong agawin ng mga suspek ang mga baril ng kanilang mga escort na nagresulta sa putukan na ikinmatay ng mga ito.

Kinilala ang mga nasawi na sina Rasul Dubpaleg at Bhadz Dubpaleg na mga miyembro ng Dawlah Islamiya Hasan Group at core members ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Karialan-Bungos Faction.

Sangkot din umano ang mga ito sa dalawang insidente ng pambobomba sa Isulan, Sultan Kudarat, isa sa Midsayap, North Cotabato, at pambobomba sa Southseas Mall sa Cotabato City.

Sa ngayon hindi lamang pulisya ang nakaalerto ngunit maging ang mga sundalo upang ipatupad ang mas mahigpit na seguridad sa posibleng retaliatory attack ng mga kasamahan ng dalawang bomber.