-- Advertisements --

Emosyunal na humiling ng kapatawaran ang mga magulang ng gunman sa Resorts World attack sa mga biktima at sa mga kamag-anak ng mga ito, bunsod sa ginawa ng kanilang anak.

Sa nasabing insidente, 37 indibidwal ang nasawi habang 54 ang sugatan.

Ayon sa ina ng gunman, mabuting tao ang anak na si Jessie Javier Carlos subalit nalulong lamang sa sugal hanggang sa maging problema na nila ito ng kanyang asawa na naging dahilan ng tuluyang paghihiwalay.

Anila, hindi nila lubos akalain na magagawa ito ni Jessie.

May mensahe naman ang mga magulang ni Jessie sa mga magulang na may mga anak na nalulong sa sugal na habang maaga ay awatin na nila ito, dahil ito ang magiging dahilan sa pagkakasira ng kanilang pamilya.

Si Jessie ay dating empleyado ng Department of Finance (DOF) na naka-assign sa One Stop Shop Tax Credit and Duty Drawback Center at isang tax specialist.

Sinibak sa serbisyo si Carlos nuong April 2014 dahil sa isyu ng kaniyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).

Nadismis siya dahil sa grave misconduct and gross neglect of duty  dahil sa hindi pagdedeklara ng kaniyang properties at business interest sa kaniyang 2007 at 2010 SALNs.

Batay kasi sa ruling, natuklasan ng Ombudsman na si Carlos ay may total income na P2.4 million simula noong 2001 hanggang 2011.

Nakabili ng dalawang farm sa Batangas sa halagang P4 million.

Dahil lulong sa sugal ang gunman kung kaya lubog din ito sa utang ngayon.