![image 115](https://xrc.bomboradyo.com/newscenter/2023/01/image-115.png)
Hiniling ngayon ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco sa lahat ng mga concerned agencies na may kaugnayan sa airport operations na magtulungan para maresolba ang mahabang airport lines.
Ginawa ni Tansingco ang statement matapos matanggap ang mga ulat na mayroong mahabang pila sa immigration area, kasunod ng post-new year glitch sa mga paliparan sa bansa.
Aniya, lahat naman daw ng counters ay mayroong nagmamando pero mahaba pa rin ang pila.
Kaya naman ito ang nais niyang maresolba sa ngayon dahil kapag mabilis daw ang pagproseso sa mga pasahero ay mas marami silang maseserbisyuhan.
Naniniwala naman ang Immigration chief na mapapaganda nila ang sitwasyon sa mga paliparan kaugnay na rin ng naturang issue.
Kasabay nito, inihayag din ni Tansingco na suportado nila ang decongestion sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa pamamagitan ng pagbubukas ng mga bagong paliparan.
Ito ay bilang paghahanda na rin daw sa inaasahang pagbuhos ng mga turista sa pagbubukas ng borders sa bansa.
Sa nararamdamang problema, sinabi ni Tansingco na naabot na raw nila ang maximum capacity ng mga counters sa airport.
Nag-assign na rin daw ang mga ito ng dalawa hanggang sa apat na immigration officers sa ilang counters sa mga terminals ng paliparan.
Aniya, isa sa mga problema na ngayon sa paliparan ay ang espasyo.
Kaya kahit daw magdagdag ng maraming officers, mayroon pa ring pila dahil na rin sa limitadong espasyo.
Hiniling na rin ni Tansingco ang pakikiisa ng mga airlines sa pamamagitan ng pag-regulate sa pagbuhos ng mga pasahero sa pamamagitan ng maayos na scheduling.
Dagdag ng pinuno ng Immigration na ito raw ay joint concern na kailangang tugunan sa lahat ng aspeto kaya naman naniniwala siyang kapag nagtulungan ang lahat ay mareresolba agad ang naturang concern.