(Update) TACLOBAN CITY – Nilinaw ng Office of Civil Defense (OCD) Regional Office 8 na walang dapat ikabahala ang publiko tungkol sa pinangangambahang posibilidad na pagputok daw ng Mahagnao volcano sa Burauen, Leyte.
Una nito, nagdulot ng pagkabahala sa mga residente ang nai-report na may mga irigularidad sa aktibidad ng nasabing bulkan.
Ayon kay Rayden Cabrigas, tagpagsalita ng OCD-8 patuloy ang monitoring ng Phivolcs sa naturang bulkan at walang naitatalang senyales ng volcanic activitiy sa lugar na pwedeng magdulot ng volcanic eruption.
Bagaman, nilinaw din nito na ang naitalang mga bitak ay dulot ng nakaraang mga lindol pero walang dapat ipag-alala ang publiko.
Binigyang diin din nito na ang Phivolcs ang may otoridad sa pagpapalabas ng mga impormasyon tungkol sa mga volcanic activities gayundin sa mga lindol.
Nanawagan naman ang OCD sa publiko na imbes na mag-panic ay maging handa at ugaliing makinig sa radyo, telebisyon at internet upang malaman ang nararapat na gawin sa oras ng kalamidad.
Napag-alaman na isa sa mga dinarayo ng mga turista sa Leyte ang Mahagnao Volcano Natural Park dahil sa angking ganda nito na may kasamang malawak na lawa, virgin forests at lagoon.
Idineklara naman itong national park noong 1937.