-- Advertisements --

ROXAS CITY – Patuloy ang clearing operation ng 61st Infantry Battalion (IB) Philippine Army sa mga kasapi ng New People’s Army (NPA) sa Brgy. Bayuyan, President Roxas, Capiz.

Sa exclusive interview ng Bombo Radyo kay Lt. Col. Joel Benedict Batara, battalion commander ng 61st IB, kinumpirma nito na mga kasapi ng Sangay sa Partido sa Platoon (SPP)-East, Komiteng Rehiyon – Panay ng CPP-NPA sa pamununo ni Liberato Palencia o Prudencio Samson alyas Guning ang nakasagupa ng militar sa bukiring bahagi ng Barangay Bayuyan.

Ayon sa opisyal na may impormasyon silang natanggap na may sightings na ng mga rebelde sa nasabing lugar at nagsasagawa rin ng recruitment sa mga menor de edad ang mga NPA.

Papunta pa lamang ang militar sa area ng makasagupa nila ang mga rebelde kaya nagkapalitan ng putok ang magkabilang panig.

Tumagal ng 20 minuto ang sagupaan hanggang nagwithdraw ang umaabot sa 15 mga rebelde sa direksyon ng Barangay Badiangon, President Roxas.

Wala naman umanong nasugatan sa panig ng militar.

Samantala, na-rekober ng mga sundalo sa lugar ang isang portable generator; isang multi-media projector; dalawang hand grenades; isang anti-personnel mine; walong rifle grenades; apat na back packs; dalawang cellphones; isang container ng gasolina; dalawang sako ng bigas, ilang personal na kagamitan; at subersibo na mga dokumento na may high intelligence value.