Inaasahang tatalakayin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Maharlika Investment Fund sa kaniyang state visit sa Malaysia sa susunod na linggo.
Ito ang inihayag ni DFA spokesperson Teresita Daza sa isinagawang Palace briefing ngayong araw kung saan nakatakda ring makipagkita si PBBM sa business leaders ng Malaysia sa kaniyang pagbisita sa nasabing bansa.
Matatandaan na isa ng ganap na batas ang Republic Act No. 11954 o ang batas para sa paglikha ng Maharlika Investment Fund matapos lagdaan ni PBBM noong Hulyo 18.
Dito, gagamitin ang state assets para sa investment ventures para makapag-generate ng karagdagang public funds.
Una rito, ang pagkakapasa ng MIF bilang batas ay umani ng batikos mula sa ilang mambabatas dahil sa umano’y kapuna-punang errors o pagkakamali at discrepancies gayundin ang hindi malinaw na mga probisyon ng batas.
Marami din ang nababahala na matulad ang MIF sa nangyari sa sovereign wealth fund ng ibang bansa katulad ng kinasangkutang iskandalo ng state-owned investment fund ng Malaysia na 1Malaysia Development Berhad (1MDB) na nabalot ng mga isyu ng korupsyon at graft.
Kung saan sinentensiyan ng kataas-taasang hukuman ng Malaysia ang dating Prime Minister na si Najib Razak ng 12 taong pagkakakulong dahil sa korupsiyon sa 1MDB financial scandal.
Sa kabila nito, una ng siniguro ni Finance Secretary Benjamin Diokno, na kabilang sa bubuuing Maharlika Investment Corporation na mamamahala sa paggamit ng MIF, na mayroong transparency at accountability safeguards ito para mapigilang matulad sa sinapit ng investment fund ng Malaysia.