Naniniwala ang isang mambabatas na makakatulong ang Maharlika Investment Fund (MIF) para buhayin muli ang Bicol Express.
Ayon kay Bicol Saro Partylist Representative Brian Raymund Yamsuan, ngayong operational na ang MIF maaari itong mag invest ng puhunan para sa reconstruction at pag modernized sa iconic Bicol Express.
Binigyang-diin ni Yamsuan na ang reconstruction ng Philippine National Railways (PNR)’ Bicol Express para sa isang modern,world-class train system ay mag complement sa ongoing North- South Commuter Railway (NSCR) project, na magreresulta sa isang seamless interconnection sa mga major economic hubs sa Luzon.
“The Maharlika fund can get the Bicol Express back on track and be a key element in the rebirth of a robust rail sector in the country,” pahayag ni Yamsuan.
Si Yamsuan ay kilalang long-time advocate sa pagbuhay muli ng Bicol Express rail line.
Muling binuhay ni Yamsuan ang kanyang panukala kasunod ng inaugural board meeting noong nakaraang linggo ng Maharlika Investment Corporation (MIC), na inatasan na pamahalaan ang MIF.
Batay sa naging pahayag ng Department of Finance (DOF), tinalakay sa pulong ang capitalization ng pondo at mga potensyal na sektor para sa pamumuhunan, na kinabibilangan ng imprastraktura; langis, gas,power; agroforestry industrial urbanization; pagproseso ng mineral; turismo; transportasyon; aerospace at aviation.
Ayon kay Yamsuan ang pagbuhay sa Bicol Express, na kilala bilang South Long Haul Project, ay maaaring maging pangunahing pamumuhunan ng MIF sa sektor ng transportasyon dahil kabilang ito sa mga proyektong pang-imprastraktura ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Nauna nang pinuri ni Yamsuan ang muling pagbubukas ng mga biyahe ng tren ng PNR sa pagitan ng Naga City sa Camarines Sur at Legazpi City sa Albay.
Ang NSCR ay nag-uugnay sa Bulacan sa Clark International Airport sa Pampanga sa hilaga at Metro Manila at Laguna sa timog, habang ang unang yugto ng South Long Haul Project ay nag-uugnay sa Laguna sa ilang bayan sa Quezon province at sa Bicol provinces ng Camarines Sur at Albay.