BUTUAN CITY – Kinumpirma ni Task Force Kapihan spokesperson Edelito Sangco na may mino-monitor silang ibang grupong kagaya umano sa kultong Socorro Bayanihan Services Incorporated o SBSI ang operasyon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni Sangco na ito ay ang Maharlika Nation na nasa bayan din nila sa Socorro, Surigao Del Norte.
Ayon kay Sangco, kaama sa ginagawa ng Maharlika Nation ay ang hindi pagpapabalik sa eskwela sa kanilang kabataan at hindi rin pagpapabalik sa trabaho sa mga miyembro nilang trabahante.
Mayroon umano silang sariling tribal school at sementeryo maliban pa sa sarili nilang gobyerno at currency.
Isa umano itong tribal community na sinasakyan ng mga scammers na mayroon ng mahigit 1,000 mga miyembro.
Ayon pa kay Sangco, noong 2019 pa umano ito nag-exist na may mga miyembro ring mula sa Zamboanga at Cotabato at sa ngayon ay may ginagawa na umanong hakbang ang lokal na pamahalaan ukol dito.