Aminado si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad na maraming hamon ang gagawing rehabilitasyon sa ilang bahagi ng Mindanao sa pagpasok ng bagong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ginawa ni Dr. Mahathir ang pahayag kasabay ng kanyang pakikipagpulong sa Pilipinas kay interim BARMM chief minister Murad Ebrahim.
Ayon kay Murad, alam niya na maraming opisyal ngayon ng BARMM ay dating mga combatants ng MILF at ang alam lang ay makipagdigma.
Pero ngayon aniya ang malaking pagbabago ay sila na ngayon ang hahawak sa pagpapaunlad sa Mindanao.
Nangangahulugan daw na walang eksperyensiya ang mga ito sa “governance.”
Tinukoy din ng 94-anyos na lider ang nangyari Marawi City na hindi lamang ang pisikal na anyo nang pagkawasak ang dapat tugunan kundi maging ang “psychological effects” sa mga tao dahil sa pinagdaanang giyera.
Ayon kay Mahathir, nais daw ng mga lider ng BARMM na matutunan sa Malaysia kung papaano makabuo ng mga oportunidad sa mga trabaho at gayundin makapanghikayat ng mga foreign investments patungo sa rehiyon.
“Indeed, the situation in Mindanao is quite bad, quite bad for rebuilding. In addition, the area has seen decades of conflict. Certainly their perception of governance, laws, self-control and discipline is not the same as people in countries which have never seen war,” ani PM Mahathir sa Bernama news agency.
Kung maaalala inabot din ng tatlong araw ang pagbisita ni Mahathir sa Pilipinas nitong nakalipas na linggo kung saan naging tampok ang bilateral meeting nila ng Pangulong Rodrigo Duterte.