-- Advertisements --

Nakaalis na si Malaysian Prime Minister Mahathir Mohamad matapos ang dalawang araw ng official visit sa Pilipinas.

Bago naman bumiyahe pabalik ng Malaysia, nagbigay pa ng opinyon si Prime Minister Mahathir kaugnay sa ilang isyung kinakaharap ng bansa gaya ng kontrobersyal na anti-drug war ng Duterte administration.

Kinampihan naman ni Mahathir si Pangulong Duterte kaugnay sa ipinatutupad na kampanya laban sa iligal na droga sa gitna ng natatanggap nitong pagbatikos maging mula sa foreign human rights groups.

Sinabi ni Mahathir, hindi man popular at tinutuligsa ang anti-drug war ni Pangulong Duterte, pero ito ang kanyang estilo o paraan ng pagtugon sa problema.

Ayon pa kay Mahathir, dapat higpitan umano ng Pilipinas ang pagbabantay sa mga borders para mapigilan ang pagpasok ng iligal na droga.

Mahalaga rin daw na magkaroon ng kooperasyon at pagbabahagi ng impormasyon para malaman kung sino ang gumagawa ng pagpupuslit ng iligal na droga at kung saan ito nanggagaling.