
Hinihimok ng Social Security System (SSS) ang mahigit 1,200 miyembro sa ilalim ng sangay ng Legazpi City na i-claim ang kanilang Unified Multi-Purpose Identification (UMID) cards hanggang Disyembre 29.
Ayon kay SSS-Bicol region spokesperson Jeanette Mapa, na kabilang sa mga unclaimed cards ay ang mga ibinalik ng Philippine Postal Corportation sa kanilang tanggapan matapos ang dalawang beses na failed delivery.
Aniya, hindi bababa sa 1,256 unclaimed UMID cards ang kasalukuyang nasa kanilang tanggapan na sumasaklaw sa panahon ng Agosto 2017 hanggang Disyembre 2020.
Kapag hindi aniya ito makuha ng mga claimant sa itinakdang panahon ay ibabalik na nila ito sa SSS central office.
Kung maaalala, nitong buwan ng Pebrero 2023 ay itinigil muna nito ang pagtanggap ng mga aplikasyon para sa mga regular na UMID card ngunit kasalukuyang nag-aalok ng UMID ATM Pay Card ng eksklusibo sa mga miyembro ng SSS na maaaring mayroon nang mga UMID card o nakabinbing aplikasyon ng UMID card.