Nabigyan ng trabaho ang nasa mahigit 1,300 katao na apektado ng tumagas na langis sa Bataan.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, naglaan ang ahensiya ng P45 million para mabigyan ng alternatibong trabaho ang kabuuang 1,357 apektadong manggagawa kabilang ang mga mangingisda at magsasaka sa ilalim ng Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program.
Ilan sa mga ibinigay na trabaho sa mga ito ay tumulong sa paglilinis at pagkolekta ng husk at mga buhok na ginagamit sa paggawa ng spill boom.
Liban dito, mamamahagi din ang DOLE sa pamamagitan ng regional offices nito ng tulong pangkabuhayan sa mga naapektuhan.
Samantala, mahigit P20 million na pondo ang inilaan din para matulungan ang mga apektadong manggagawa sa Calabarzon partikular na sa Cavite.