-- Advertisements --

Naka-preposition na ang mahigit 1.4 million family food packs (FFPs) sa Western Visayas, Central Visayas at karatig na rehiyon para ipamahagi sa mga pamilyang apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon nitong hapon ng Lunes, Disyembre 9.

Tiniyak ni Department of Social Welfare and Development Sec. Rex Gatchalian na may sapat na suplay ng FFPs.

Siniguro din ng kalihim na handang tumugon ang DSWD sa mga ililikas na residente at ang lahat ng uri ng tulong ay makakarating sa kanila sa lalong madaling panahon.

Inatasan din niya ang iba pang DSWD field offices na maging full alert at maghanda para sa augmentation kung kinakailangan.

Bukod sa FFPs, sinabi ni Sec. Gatchalian na nag-preposition na din ang ahensiya ng mga non-food items, tulad ng kitchen kits, family kits, sleeping kits, hygiene kits, at laminated sacks, bukod sa iba pang relief items.

Mayroon din aniyang stockpile at standby funds na nakahanda para sa augmentation support sa mga lokal na pamahalaan na maaaring maapektuhan ng pagsabog ng bulkang Kanlaon.

Hinikayat naman ni Sec. Gatchalian ang mga kalapit na komunidad, partikular ang mga naninirahan sa loob ng 6 kilometer radius ng summit ng Mt. Kanlaon, na sundin ang mga emergency evacuation notice ng kanilang mga LGU.