Mahigit sa 1.5K katao ang nawalan ng tirahan sa Negros Occidental matapos ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Kabuuang 1,562 indibidwal o 210 pamilya sa lalawigan ng Negros Occidental ang inilipat sa mga evacuation center matapos ang pagsabog ng Bulkang noong Lunes, ayon sa pahayag ng provincial disaster risk reduction and management council (PDRRMC) nitong Martes.
Batay sa kanilang situational report kaninang 6 ng umaga, sinabi ng PDRRMC na apektado ng pagsabog ng naturang bulkan ang 84 barangay sa 10 lungsod at bayan.
Hindi pa nakakumpirma ng konseho kung mayroong nasaktan o nawawala dahil sa kamakailang aktibidad ng bulkan.
Inilagay na ng PDRRMC ang buong lalawigan ng Negros Occidental sa “Blue Alert” ilang oras matapos ang pagsabog ng Bulkang Kanlaon.
Sa La Castellana, Negros Occidental, sinabi ni John de Asis, head ng municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO), na 842 katao ang nailikas.
Sa Lungsod ng Canlaon, kabuuang 397 indibidwal ang naapektuhan, at 155 sa kanila ang kailangang ilipat sa mga evacuation center.
Sa isang local disaster risk reduction and management (LDRRM) meeting sinabi ni Mayor Jose Chubasco “Batchuk” Cardenas na ikinokonsidera nila na magrekomenda ng deklarasyon ng state of calamity sa lungsod.