-- Advertisements --

Inanunsiyo ng Quezon City Police District ngayong araw na nasa 1,595 pulis ang kanilang ipapakalat sa holiday season.

Ito ay parte ng Ligtas Paskuhan 2024 initiative para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa holiday season.

Ayon kay QCPD chief Col. Melecio Buslig Jr, tutulong din ang mahigit 2,000 force multipliers mula sa Barangay Peacekeeping Action Teams o barangay tanods, security agencies, non-government organizations at civilian volunteer groups.

Nakatutok ang deployment sa 246 lugar na mataas ang insidente ng trapiko sa lungsod ng Quezon kabilang ang mga lugar ng sambahan, pangunahing mga kalsada at merkado, bus terminals, MRT/LRT stations at community firecracker zones at display areas.

Layunin ng QCPD na pigilan ang mga krimen, panatilihin ang kaayusan at magbigay ng ligtas na kapaligiran para sa mga residente at bisita sa kasagsagan ng holidays.

Samantala, gagamit din ang QCPD ng 2,915 piraso ng equipment kabilang ang mga motorsiklo, mobile cars, personnel carriers, buses, bicycles, trucks at mga ambulansiya para sa mas episyenteng operasyon.

Maliban dito, may mga communication devices din na gagamitin ang kapulisan ng QCPD gaya ng base at handheld radios, body-worn cameras, drones para sa aerial monitoring at crowd dispersal management gear.

Inaasahan na ang mga kagamitang ito ng QCPD ay magpapahusay pa ang kanilang pagresponde nang mabilis at maging epektibo ang pagbabantay sa mga aktibidad ngayong holiday season.

Pinagtibay naman ng QCPD ang commitment nito para sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para masigurong ma-enjoy ng lahat ang ligtas at makabuluhang holiday season.