Patuloy ang paghimok ni Go Negosyo founder Joey Conception sa Health Technology Assessment Council (HTAC) para payagan na ang pagbabakuna ng ikalawang booster shots sa iba pang sektor dahil nasa mahigit million vaccine doses aniya na binili ng pribadong sektor ang nakatakdang mag-expire sa katapusan ng buwan.
Aniya, bagamat kailangang mag-pokus sa pagbabakuna ng unang booster subalit kung titignan ang bilang ng mga bakuna na malapit ng mag-expire, malaking pera aniya ang ginugol dito ng pribadong sektor.
Giit pa ni Conception na ang mga bakunang ito ay dapat na gamitin sa halip na hayaan na lamang na mag-expire. Maraming productive members ng workforce ang pasok sa labas ng age limit na itinakda ng HTAC subalit mayroon ding risk factors at exposed ang mga ito sa virus araw-araw kapag papasok ang mga ito sa trabaho.
Ayon pa kay Conception ang mga bakunang ito ay binili ng private sector sa pamamagitan ng A Dose of Hope tripartite agreement kung saan kalahati dito ay binili ng sektor kasama ang pamahalaan.
Napatunayan na aniyang nakahanda ang pribadong sektor na mabakunahan ng ikalawang booster at hindi na aniya kaialngan ng mandates pagdating sa naturang sektor.
Sa kasalukuyan, hindi pa naglalabas ng desisyon ang HTAC kung papayagan na ang pagtuturok ng ikalawang booster dose para sa general population.
Tanging ang mga health care workers, senior citizens at immunocompromised individuals pa lamang ang pinapayagan.