Nakapagtala ang Commission on Elections (Comelec) ng 1,586 voter registrants sa 2 araw na Special Register Anywhere Program at satellite registration sa loob ng Camp Darapanan sa Sultan Kudarat at Camp Abubakar sa Barira sa Maguindanao del Norte noong Abril 15 at 16.
Sa 2 araw na SRAP at satellite registration, sinabi ni Comelec chairman George Erwin Garcia na ang mga menor de edad na 15 anyos hanggang 16 anyos ay sinubukang magparehistro para sa 2025 midterm elections.
Nilinaw naman ni Garcia na wala silang nakikitang masamang intensiyon dito at marahil ay mali lamang ang nakarating sa kanilang impormasyon.
Noon kasing nakalipas na registration, pinayagan ng Comelec ang 15 hanggang 17 anyos na magparehistro para sa Sangguniang Kabataan elections na ginanap noong Oktubre ng nakalipas na taon.
Sinabi naman na ni Garcia na ipagpapatuloy nila ang pag-reach out sa malalayong komunidad hanggang sa matapos ang registration sa Setyembre 30 ng kasalukuyang taon.
Samantala, sinabi din ng Comelec chairman na nakahanda sila sa pagsasagawa ng parliamentary election sa BARMM sa susunod na taon.