Kasalukuyang stranded ang mahigit 1,500 na pasahero sa mga pantalan sa Western Visayas matapos makansela ang ilang biyahe sa gitna ng mga aktibidad sa bulkang Kanlaon.
Sa latest report mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mayroon namang 2,088 indibidwal o 605 pamilya sa Western at Central visayas ang apektado.
Sa naturang bilang, mayroong 1,407 indibidwal o 149 pamilya ang nananatili sa 11 evacuation centers habang 177 indibdiwal o 45 pamilya ang nanunuluyan pansamantala sa ibang mga lugar.
Nasa 20 domestic at isang international flights naman ang kanselado sa Western at Central Visayas subalit nasa 12 naman sa domestic flights ang natuloy na.
Samantala, idineklara na ang state of calamity sa ilang lugar dahil sa epekto ng pagsabog ng bulkang kanlaon kabilang ang La Castellana, Negros Occidental at Canlaon, Negros Oriental.
Ayon naman sa NDRRMC, nakapaghatid na rin ng tulong sa mga biktima na nasa mahigit P1.3 million.
Sa latest bulletin naman ng PHIVOLCS ngayong araw ng Huwebes, naobserbahan na nabawasan na ang mga aktibidad sa bulkan.