Na-stranded ang nasa kabuuang 1,606 katao sa mga pantalan sa Bicol at eastern Visayas dahil sa epekto ng bagyong Pepito ngayong araw ng Biyernes, Nobiyembre 15.
Base sa monitoring ng Philippine Coast Guard (PCG) mula kaninang alas-8 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali, mayroon ding 487 rolling cargoes at 10 vessels ang stranded habang 20 vessels at 2 motorbancas ang pansamantalang nakisulong.
Sa Bicol region, nasa 992 pasahero, truck drivers at cargo helpers ang stranded gayundin ang 320 rolling cargoes at 5 vessels habang kanselado muna ang biyahe ng nasa 16 vessels at 2 motorbancas
Ang mga ito ay naitala sa Virac port, Bacacay port, Masbate city port, San Pascual port, Matnog port, Pilar port at Castilla port.
Sa may Eastern Visayas naman, hindi muna pinabiyahe ang nasa 614 pasahero, truck drivers at cargo helpers dahil sa masungit na panahon.
Bunsod nito, may 167 rolling cargoes at 5 vessels ang stranded habang nakisilong pansamantala ang nasa 4 na barko.