Umabot na sa mahigit 1,700 na mga sirena, blinkers at iba pang mga ipinagbabawal na vehicle accessories ang nakumpiska ng Philippine National Police – Highway Patrol Group mula sa magkakahiwalay na operasyon nito sa buong bansa.
Batay sa pinakahuling datos na inilabas ng PNP-HPG, sa ngayon ay pumalo na sa kabuuang 1,707 ang bilang ng mga wangwang devices ang nakumpiska ng mga otoridad mula Marso 25 hanggang Abril 22, 2024.
Kinabibilangan ito ng nasa 957 light-emitting diode (LED) lamps, 300 blikners, 179 fog lights, 134 modified mufflers, 78 horns, 48 strobe lights, at 11 sirens kung saan karamihan sa mga nasabat ay nagmula sa mga rehiyon ng Calabarzon, Davao Region, at Caraga.
Alinsunod pa rin ito sa Presidential Decree 96 na nagpapatupad ng pagbabawal sa paggamit ng blinkers, sirens, at iba pang mga related devices para sa mga private vehicle.
Ang wangwang crackdown na ito ay mas pinaigting pa kasunod ng ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kaugnay sa inilabas nitong Administrative Order No. 18 na nagbabawal sa mga government officials at employees na gumamit ng wangwang at blinkers at iba pang mga kaparehong signaling o flashing devices maliban na lamang sa mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines, National Bureau of Investigation, Philippine National Police, trak ng bumbero, hospital ambulances, at iba pang mga emergency vehicles.
Samantala, kaugnay nito ay una nang tiniyak ng PNP na tutuusin din nito ang mga indibidwal na nagbebenta ng naturang mga ipinagbabawal na mga device.