Nakapaghatid na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng kabuuang P70 million na halaga ng mga relief assistance para sa mga biktima ng bagyong Enteng.
Batay sa report ng ahensiya, umaabot na sa 133,190 family food packs (FFP) ang naipamahagi sa mga pamilya at mga indibidwal na natukoy na naapektuhan.
Ang mga ito ay mula sa National Capital Region (NCR), Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol at Eastern Visayas.
Batay sa breakdown ng ahensiya, kabuuang 54,100 family food packs ang naihatid sa NCR, 437 ffp sa Cagayan Valley, 21,023 sa Central Luzon, 12, 979 sa Calabarzon, 24,461 sa Bicol Region, at 20,190 sa Eastern Visayas.
Samantala, batay sa pinakahuling datus ay sumampa na sa 1.7 million indibidwal ang natukoy na apektado sa naging pananalasa ng bagyo na sinamahan ng mga pag-ulang dulot ng Habagat.
Ito ay katumbas ng 454,000 pamilya mula sa sampung rehiyon sa bansa.
Hanggang kaninang umaga (Setyembre 4) humigit-kumulang 18,000 pamilya pa rin ang nananatili sa mga evacuation center sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.