-- Advertisements --

Mahigit 1.9 milyong kabataan ang nakinabang mula sa mga feeding program na ipinatupad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong 2023.

Sinabi ni Assistant Secretary for Legislative Affairs Irene Dumlao ito ay bilang bahagi ng kontribusyon ng DSWD sa Early Childhood Care and Development (ECCD) program ng gobyerno at Republic Act No. 11037 o ang Masustansyang Pagkain para sa Batang Pilipino Act.

Ang DSWD ay nakikipagtulungan sa mga local government units (LGUs) para ipatupad ang Supplementary Feeding Program (SFP).

Bilang tagapangulo ng Inter-Agency Task Force on Zero Hunger (IATF-ZH), patuloy na uunahin ng DSWD ang mga programa para matiyak ang food security ng mga Pilipino.

Ang Supplementary Feeding Program ay nagbibigay ng masustansyang meryenda at maiinit na pagkain upang dagdagan ang mga regular na pagkain ng mga batang may edad 2 hanggang 4 na naka-enroll sa supervised neighborhood play (SNP), at mga batang may edad na 3 hanggang 5 taong gulang na naka-enroll sa mga child development center (CDC).

Para sa 12th Cycle ng programa, na sumasaklaw sa school year (SY) 2022 hanggang 2023, humigit-kumulang 1,935,515 bata ang nakatanggap ng hindi bababa sa isang fortified meal na hindi bababa sa 120 araw sa isang taon.

Sa 13th Cycle ng programa, na nagsimula noong Agosto 2023, humigit-kumulang 864,998 benepisyaryo ang nabigyan ng masustansyang pagkain sa buong bansa.