-- Advertisements --

Ibinahagi ng Department of Education (DepEd) na mahigit 1.9 milyong puno ang naitanim ng kanilang mga tauhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ito ay bilang “Christmas gift” ng ahensya para sa mga batang Pilipino noong 2023.

Batay sa pinal na ulat, sinabi ng DepEd na umabot na ito sa kabuuang mahigit 1.9 milyong punong nakatanim sa lahat ng rehiyon sa bansa sa ilalim ng “236,000 Christmas Trees” project.

Ang Cordillera Administrative Region,ang nangungunang nag-ambag na kung saan nagtanim ng higit sa 1.1 milyong puno.

Pinangunahan ng DepEd ang nationwide simultaneous tree-planting activity sa lahat ng pampublikong paaralan noong Disyembre 6.

Ang DepEd, sa pamumuno ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte, ay lumagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) kasama ang Office of the Vice President at ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) para sa “Project Pagbabago: A Million Trees program .”

Sa ilalim ng kasunduan, sumang-ayon ang DepEd na makipagtulungan sa dalawang ahensya sa paghikayat sa partisipasyon ng mga paaralan at komunidad sa greening initiatives ng OVP upang itanim sa mga mag-aaral at empleyado nito ang kahalagahan ng pangangalaga sa kapaligiran, at konserbasyon at makamit ang mga layunin ng National Greening Program (NGP) ng gobyerno.

Bilang partisipasyon ng DepEd sa inisyatiba ng OVP, ito ay nag-aambag ng 250,000 puno mula sa 1.9 milyong puno na itinanim sa sabay-sabay na nationwide tree planting activity, na nilahukan ng mga opisyal, tauhan, guro, at mag-aaral ng DepEd.