CAUAYAN CITY- Umabot na sa mahigit isang libo ang kaso ng delta variant sa loob lamang ng mahigit isang buwan sa Australia.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Denmark Suede, Nurse sa Sydney, Australia na simula noong June 16, 2021 ay mayroon nang 1,117 na local delta cases sa naturang bansa.
Kahapon, sa estado lamang ng New South Wales ay naitala ang 111 na local delta cases na mula sa 81,970 na sinuri.
Aniya, 123 ang nasa ospital ngayon sa buong Australia at 75 rito ang nasa Sydney.
Itinuturing nila itong banta dahil sa pitong buwan na nakalipas ay wala silang naitalang namatay dahil sa COVID-19 at dahil sa delta variant mula noong June 16, 2021 ay tatlo na ang namatay.
Sa ngayon ay tanging essential workers ang pinapayagang lumabas sa Sydney, New South Wales gaya ng mga health workers at required silang magpa-RT PCR test kada tatlong araw.
Ayon kay Ginoong Suede, nilalabanan ng Australia ang delta variant sa pamamagitan ng testing, tracing, isolate at vaccination kaya inasahan nang tataas ang kanilang kaso.
Samantala, patuloy ang paggamit ng Australia sa astrazeneca vaccine kahit nakakapagtala sila ng blood clot o pamumuo ng dugo.
Aniya, walumpu’t tatlong blood clot ang naitala sa naturang bansa dahil sa astrazeneca at tatlo rito ang namatay
Mayroon ding tatlumpu’t isa na bleeding dahil sa astrazeneca at isa ang patay habang may limampu’t dalawa na napaparalyze.
Sa kabila nito ay tuloy pa rin ang paggamit sa naturang bakuna dahil tiwala silang bakuna lamang ang mabisang paraan para labanan ang COVID-19.