-- Advertisements --

LEGAZPI CITY -Umabot sa mahigit sa 1,000 mga easter eggs ang naipamigay ng St. Jude Thaddeus Parish Church sa Legazpi City, Albay sa kakatapos pa lamang na Easter Sunday.

Subalit sentro ng aktibidad ang mga desinyong gawa ng mga kabataan kabilang na si Easter Egg Iconography artist Reignan Gamba ng Youth commission ng St. Jude.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Gamba, parte na umano ng kanilang tradisyon ang pagpipinta ng mga easter eggs na ipinamimigay tuwing Linggo ng pagkabuhay.

Hindi rin umano biro ang panahon na kanilang ginugugol sa pagdedesinyo ng mga ito na karaniwang inaabot ng hanggang kalahating oras ang bawat isa, subalit sulit naman sa tuwang bigay sa mga nakakatanggap.

Ayon kay Gamba, nang ipinamahagi na ang naturang mga easter eggs, marami ang nagdalawang isip pang basagin ang itlog dahil sa nanghihinayang sa mga desinyong nakalagay dito.

Payo naman ng young artist sa ibang mga kabataan na wag mahihiyaang gamitin at ipakita ang kanilang talento, habang maari rin umanong makisali sa kaparehong aktibidad sa susunod naman na taon.