Dinala sa probinsya ng Catanduanes ang mahigit 1,300 Family Food Packs (FFP) kasunod ng iniwang delubyo ng Super Typhoon Pepito matapos ang una nitong pag-landfall sa naturang probinsya.
Ang mga ito ay mula sa Visayas Disaster Response Center (VDRC).
Isinakay ang mga naturang supplies sa isang C-130 aircraft sa Mactan Airbase, Lapu-Lapu City ngayong umaga, Nov. 18.
Ang mga ito ay ipapamahagi sa mga residenteng unang inilikas dahil sa banta ng ST ‘Pepito’.
Nitong gabi ng Sabado (Nov. 16) ay nag-landfall ang naturang bagyo sa Panganiban, Catanduanes bilang isang super typhoon, taglay ang bugso ng hangin na aabot sa mahigit 240 kph.
Nag-iwan naman ng malawakang pinsala sa mga ari-arian, pagsasaka at imprastraktura ang naturang bagyo, kasama na ang libu-libong inilikas dahil sa banta ng storm surge at flash flood.
Ayon sa state weather bureau, hindi gaanong nagtagal ang bagyo sa Bicol Region at binaybay ang eastern seabord ng Luzon hanggang sa tuluyan ding nag-landfall sa Aurora province alas-3 ng hapon kahapon, Nov. 17.