-- Advertisements --
MMDA STREET SWEEPERS

Umabot na sa mahigit 1,000 garbage bag ang nakolekta ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) street sweepers sa Quirino Grandstand para sa pagpupugay sa imahe ng Itim na Nazareno ngayong taon.

Ayon kay Nanay Leonora Yadan, 37 taon nang street sweeper ng MMDA, sa loob ng tatlong araw ng kanilang paglilinis sa buong Quirino Grandstand, binubuo sila ng 85 street sweepers at magpapatuloy ang kanilang operasyon hanggang bukas, Enero 10, 2023.

Aniya, bagama’t maituturing pa rin na marami ang mga basurang kanilang nakolekta sa taong ito ay hindi hamak na mas kaunti pa rin daw ito kumpara sa mga nakalipas na pagdiriwang ng Traslacion sa bansa noong pre-pandemic period.

“Simula ng 3 days namin (paglilinis), marami na (mga kalat), kasama ang gabi naka-1000 garbage (bag) na po kami. Pinakamarami ay mga pinagkainan ng mga tao, at saka iyong bottled water.” ani Nanay Leonora Yadan.

Samantala, kaugnay nito ay nagpaalala rin si Nanay Leonora sa mga deboto na may mga lugar lamang ang mga garbage bag kung saan pwede silang magtapon ng kanilang mga basura at huwag nang magkalat pa kung saan-saan.

“Malaki ang difference sa noon at sa ngayon, kasi noon, truck-truck talaga iyong garbage noong una, noong mga nakaraan hanggang sa makarating kami sa Quiapo. Pero ngayon hanggang sa plastic garbage lang talaga kami” dagdag pa niya.

Kung maaalala, pinalitan ng “Pagpupugay” ang tradisyonal na “Pahalik” bilang pagsunod sa mga protocol dahil pa rin sa banta ng COVID-19. | Bombo JC Galvez